Pag-apula sa Usok ng Pabrika: Kababaihan sa Patriyarkal na Lakas-paggawa
Angelee Kaye Abelinde Mistulang pabrika ng misohinyang kaisipan ang patriyarkal na lipunan. Tila ba sapilitang ipinaaamoy ng ibinubuga nitong usok ang paniniwalang hindi kaya ng babae ang mga trabahong kinikilala lamang para sa kalalakihan. Ayon nga sa Asian Development Bank, nahaharap ang kababaihan sa malawakang diskriminasyon. Nasanay na kasi ang ilang kasapi ng ating lipunan na palaging pagsarhan ng pinto at pagpinidan ng bintana ang kababaihan upang hindi paunlakan ang kanilang kakayahan at karapatan. Subalit, iguhit man sa labas ng pabrikang ito ang linyang naglilimita sa kababaihang makapasok sa mundo ng lakas-paggawa, buong-tapang itong binubura at tinatapakan ng mga nakatakong na paa. Binubuo ng kababaihan ang 47 porsiyento ng kabuuang bilang ng mga manggagawa sa bansa, ito ang ipinakikita sa tala ng National Economic and Development Authority (NEDA) noong 2018. Kahit pa ito’y gawin sa pamamagitan ng pagpapatupad ng polisiya, pagpapatayo ng establisyimento o pagmamaneho n...