De Luna, Centeno kampeon sa mixed doubles ng Indonesia Open

Bernadette Soriano

Walang sinayang na tira sina Jeff de Luna at Chezka Centeno nang sikwatin nila ang kampeonato sa mixed doubles ng Predator PBC Indonesia International Open 2025 noong Hulyo 18 sa Jakarta, Indonesia.

Photo Courtesy of Predator PBC.

Matibay ang ipinakitang laro ng Pinoy tandem matapos nilang itumba sa dalawang set sina Denis Grabe ng Estonia at Pia Filler ng Germany, 2–0 (4–2, 4–3).

Maagang nagparamdam ang Pilipinas sa unang rack, pinangunahan ng malinis na break at kumpiyansang opensa.

Nagpakitang gilas si De Luna sa kanyang matinik na shot-making, habang sagot naman ni Centeno ang makinis na potting.

Sandaling nakaagapay ang kalaban sa 2–2 matapos ang mintis ni Centeno sa panablang tira, pero sa bisa ng disiplina sa safety play, agad naibalik ng Pinoy duo ang kontrol upang tuluyang makuha ang unang set, 4–2.

Sinubukang baguhin ng Estonian-German pair ang takbo ng laban sa ikalawang set, pero hindi nawala ang kumpiyansa ng mga Pinoy.

Patuloy ang matatag na positioning at matatalinong tira nina De Luna at Centeno kahit sa ilalim ng pressure.

Sa huling rack, matapang na tinapos ng Pilipinas ang laban, 4–3, para tuluyang makopo ang titulo.

Dalawang tagumpay ang inani ng Pilipinas mula sa Indonesia: kinubra ni Sean Mark Malayan ang men's Open title, habang nagpakita ng solidong laro si Centeno sa women's division matapos makapasok sa semis.

Comments

Popular posts from this blog

Adam, the pot with cocks

11 Best Time Management Techniques to Ace your Next Task

54M Filipinos fully-vaccinated amidst Omicron surge, ST Odette damages