Gomez, Fenner nanguna sa pananalasa ng SGA kontra Qatar sa Jones Cup

Francis Andrei Garcia
Nagpasiklab sina Juan Gomez de Liaño at DJ Fenner upang ipagpatuloy ang walang bahid na kampanya ng Strong Group Athletics-Pilipinas sa ikatlong sunod na panalo sa 2025 William Jones Cup, matapos nitong gapiin ang Qatar, 81–54, nitong Hulyo 15 sa Xinzhuang Gymnasium, Taiwan.

Photo Courtesy of Strong Group Athletics.

Sa kabila ng iniindang mga injury at sakit sa lineup, nanguna ang tambalang DJ Fenner at Javi Gomez de Liaño na kapwa nagtala ng 18 puntos upang sandigan ang Pilipinas sa kanilang panibagong panalo.

“We’re banged up right now,” pahayag ni head coach Charles Tiu, na inilahad ang kasalukuyang kondisyon ng kanyang koponan.

Bagamat kapos sa manpower, mabilis na kumamada ang SGA — nagsimula ito sa isang 13–2 run sa unang anim na minuto ng laban, buhat ng agresibong opensa ni Fenner na bumuhos ng 16 puntos sa first half pa lang.

Pagpasok ng second half, si Gomez de Liaño naman ang rumatsada, kumamada ng 13 puntos sa huling dalawang quarters para selyuhan ang pagkapanalo.

Nagdagdag din si Ian Miller ng 10 puntos para sa Pilipinas, habang si Andre Roberson — na naging susi sa unang dalawang laro ng koponan — ay nagtala ng 7 puntos, 10 rebounds, tatlong assists, dalawang steals, at dalawang blocks, sa kabila ng pamamaga ng kanyang tuhod.

Sa panalong ito, hawak na ng SGA ang 3–0 record sa torneo. Bago nito, tinalo nila ang koponan ng Japan Developmental Team, 79–67, noong Hulyo 14.

Susunod na makakalaban ng SGA ang matibay na Australia sa Miyerkules, Hulyo 16, ganap na alas-5 ng hapon.

Comments

Popular posts from this blog

Adam, the pot with cocks

11 Best Time Management Techniques to Ace your Next Task

54M Filipinos fully-vaccinated amidst Omicron surge, ST Odette damages