Johann Chua kampeon sa Dubai Open, wagi kontra Fedor Gorst sa finals

Bernadette Soriano

Tuloy ang pananalasa ni Johann “Badkoi” Chua sa international cue scene matapos nitong kalusin si Fedor Gorst ng USA, 13–6, sa finals ng 2025 Knight Shot Dubai Open na ginanap noong Hulyo 17 sa Impulse Snooker & Billiards Café, Oud Metha, Dubai.

Photo Courtesy of OnePH

Dikit ang laban sa simula kung saan nahila ni Chua ang kalamangan sa 7–6. 

Pero nang makakuha ng buwelo, sunod-sunod na racks ang isinara ni Chua, anim na beses niyang nasarahan ang mesa nang hindi na pinaporma si Gorst.

Dagdag karangalan sa kanyang kartada bilang isa sa mga nangungunang cue artists sa bansa, nag-uwi ng $15,000 (humigit-kumulang ₱870,000) si Chua bilang kampeon, habang $7,000 naman ang inuwi ni Gorst bilang runner-up.

Bago ang finals, sumagupa muna ang pambato ng Pilipinas sa mabibigat na katunggali sa knockout stages, at naging matatag ang ball control, positional play, at pocketing nito — mga aspetong kitang kita ring namayagpag sa kanyang kampanya noong 2023 bilang World Cup of Pool co-champion.

Kasunod ng kanyang dominanteng panalo laban kay Fedor Gorst sa finals ng Knight Shot Dubai Open, opisyal nang kabilang si Chua sa 15 Pinoy cue artists na makikipagtumbukan para sa World Pool Championship sa Jeddah, Saudi Arabia.

Masusubaybayan ng mga Pinoy fans ang aksyon sa Table One sa pamamagitan ng One Sports simula hatinggabi ng Martes, habang ang Tables Two at Three ay eksklusibong ipalalabas sa WNT TV.


Comments

Popular posts from this blog

Adam, the pot with cocks

11 Best Time Management Techniques to Ace your Next Task

54M Filipinos fully-vaccinated amidst Omicron surge, ST Odette damages